Gusto kong maparangalan ang buhay ng aking ina. Kaya nanalangin ako para sa mga tamang salitang maglalarawan sa “mga taon sa gitling” ng buhay niya. Ito iyong mga taon sa pagitan ng kanyang kapanganakan at kamatayan. Inalala ko ang mga pinagsamahan namin. Naalala ko ang araw na tinanggap niya si Jesus bilang Tagapagligtas. Tinanaw ko rin paano kami sabay na lumago sa aming pananampalataya. Pati na rin ang mga taong natulungan at napagpala niya. Hindi man siya perpekto, naging makabuluhan naman ang gitling niya. Nabuhay kasi siya para kay Jesus.
Walang perpektong mananampalataya ni Jesus. Pero tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu upang makapamuhay nang “karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay” (COLOSAS 1:10). Ayon kay Apostol Pablo, kilala ang mga taga Colosas sa kanilang pananampalataya at pag-ibig (TAL. 3-6). Binigyan sila ng Banal na Espiritu ng “karunungan at pang-unawa” at tinulungang lumago sa “mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios” (TAL. 9-10). Puno ng pasasalamat si Pablo sa kanilang buhay, at pinapurihan niya ang Dios na tumutubos at nagpapatawad ng kasalanan (TAL. 14).
Kung magpapasakop tayo sa Banal na Espiritu, maaari rin tayong lumago sa ating pagkakilala sa Dios. Lalalim din ang ating pag-ibig sa Dios at sa kapwa. Tutulungan din Niya tayong ibahagi ang Magandang Balita. At magkakaroon tayo ng makabuluhang gitling. Isang buhay na ginamit para kay Jesus.
