“Ano ang nagpapangiti sa iyo kapag naiisip mo ang iyong anak?” Iyan ang tanong ko kay Clarence, isang lalaking aking ginagabayan sa kanyang pamumuhay bilang nagtitiwala kay Jesus. Masayang ikinuwento ni Clarence ang ilang kahanga-hangang bagay tungkol sa kanyang apat na taong gulang na anak. Lubos akong naging interesado sa kanyang kuwento. Bukod kasi sa kapangalan niya ang kanyang ama, magkamukha rin sila nang husto kaya nabubuksan ng bata ang smartphone ng kanyang ama gamit ang facial recognition!
Sa Juan 14 ng Bagong Tipan ng Biblia naman, ipinakita ng Panginoon Jesus kung gaano Siya kalapit sa Kanyang Ama. Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama,” sumagot si Jesus, “Ang nakakita sa Akin ay nakakita na rin sa Ama” (tal. 9). Nakilala ng mga tao ang Dios Ama sa pamamagitan ng mga salita at gawa ni Jesus. Sa Kanya nahayag ang pag-ibig, habag, biyaya, at kabutihan ng Dios.
Sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ang mga sumasampalataya kay Jesus ay tinatawag ding magpakita ng pagkakahawig sa kanilang Ama. Hindi man nakikita ang Dios, nakikita Siya ng iba sa pamamagitan ng buhay ng Kanyang mga anak. Tulad ng paalala sa 1 Juan 4:12, kapag iniibig natin ang isa't isa, nahahayag ang pag-ibig ng Dios sa atin.
