Natuklasan ng arkeologong si Jodi Magness at ng kanyang pangkat ang isang pambihirang mosaic sa sinaunang bayan ng Huqoq sa lugar ng Galilea. Inilalarawan nito ang kuwento ni Debora na naging hukom ng mga Israelita noon at ang kanyang papel sa tagumpay ng Israel laban sa mga Cananeo. Ito ang kauna-unahang natuklasang sinaunang larawan ng bayaning ito sa Biblia.
Sa loob ng dalawampung taon, dumanas ng pang-aapi ang mga Israelita sa ilalim ng mga Cananeo. Sa panahong iyon, si Debora, ang namumuno sa Israel (Hukom 4:4). Sa utos ng Dios, hinikayat niya si Barak na pangunahan ang hukbo ng Israel laban kay Sisera, ang kumander ng mga Cananeo. Sumunod si Barak sa utos ng Dios at pinangunahan ang sampung libong mandirigma sa labanan (tal. 6). Sa huli, natalo ang mga Cananeo at iniligtas ng Dios ang bansang Israel (tal. 23).
Ang Biblia ay nag-iingat ng maraming tunay na kuwento kung paano kumilos ang Dios sa buhay ng Kanyang bayan. Ang mga ito ay nagpapaalala sa atin na piliing sumunod at magtiwala sa Kanya kahit mahirap ang sitwasyon. Tulad nina Debora at Barak, maaari tayong magtiwala na bibigyan tayo ng Dios ng lakas ng loob at tapang upang magawa ang Kanyang kalooban.
