Ayon sa isang pag-aaral, madaling napapansin ng mga kabilang sa Gen Z kung hindi taos-puso ang isang papuri. Kahit mabuti ang intensyon, mas pinahahalagahan nila ang tunay na paggalang at katapatan. Hindi nila hinahanap ang mga salitang pampalubag-loob o pambobola. Mas gusto nilang may naniniwala sa kanila. Kapag sinasabi sa kanila ang totoo, nararamdaman nilang iginagalang sila, sineseryoso, at hinihikayat na lumago. Sa totoo lang, hindi lamang ito para sa Gen Z. Ganito rin ang pangangailangan ng karamihan sa atin.
Ganito rin ang ipinapahayag sa Salmo na isinulat ni Haring David, "Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid, dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin. Itoʼy parang langis sa aking ulo (Salmo 141:5). Sa kanyang panalangin, hiniling niyang maging bukas ang kanyang puso sa pagtutuwid ng mga taong nagmamahal sa kanya (tingnan din ang Kawikaan 27:6). Nauunawaan ni David na ang tunay na pagmamahal ay hindi umiiwas sa mahihirap na pag-uusap. Nagsasabi tayo ng totoo, hindi upang manakit o manghiya, kundi upang ilapit ang tao sa Dios at ilayo sa kasamaan (Salmo 141:4). Ipinapaalala ng talatang ito na ang matalinong pagtutuwid ay hindi para ibagsak ang kapwa kundi para itayo at patibayin siya.
Huwag tayong matakot tumanggap ng pagtutuwid mula sa mga taong may malasakit sa atin. Gayundin naman, huwag din tayong matakot magsabi ng katotohanan nang may pag-ibig kung kinakailangan. Hindi natin kailangan ng matatamis na salitang walang laman. Mas kailangan natin ang mga taong handang magsalita ng totoo nang may pagmamahal. Kung minsan, ang mga salitang masakit pakinggan ang siya ring ginagamit ng Dios upang baguhin tayo, pagalingin ang ating puso, at hubugin tayo ayon sa Kanyang layunin.
