Hinimok ng Academy Award-winning actor na si Denzel Washington ang isang grupo ng mga batang artista na simulan ang bawat araw sa panalangin. Nagbigay pa siya ng kakaibang payo. Sinabi niya, “Ilagay ninyo ang inyong sapatos sa ilalim ng kama bago matulog, para sa umaga, mapipilitan kayong lumuhod muna bago ito isuot.”
Maaaring kailangan ng maingat na pagpaplano at kung minsan, kaunting pagkamalikhain upang maging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang pananalangin.
Makikita naman natin sa buhay ni Propeta Daniel ang regular na pananalangin. Habang naglilingkod siya kay Haring Darius, naging namumukod-tangi siya sa lahat ng pinuno at tagapayo ng kaharian (Daniel 6:3). Dahil dito, nainggit ang ibang opisyal at naghanap sila ng paraan upang siya'y mapabagsak. Ngunit wala silang makitang maibibintang sa kanya maliban sa kanyang katapatan sa Dios (tal. 5). Nang magtagumpay silang maipasa ang isang kautusang nagbabawal manalangin sa sinuman maliban sa hari, hindi pa rin tumigil si Daniel. Lumuhod pa rin siya at nanalangin sa Dios, gaya ng dati niyang ginagawa (tal. 10).
Ang regular na pananalangin ang nagpatatag kay Daniel. Doon niya naranasan ang lakas at kapayapaang nagmumula sa Dios (Salmo 29:11). Sa tulong ng Panginoon, nalampasan niya ang mga pagsubok at iniligtas siya. Gayundin naman, kapag ginagawa nating mahalagang bahagi ng bawat araw ang pakikipag-usap sa Dios, lalong lumalalim ang ating relasyon sa Kanya. At sa bawat pagsubok na ating haharapin, ang Kanyang lakas ang magbibigay sa atin ng katatagan.
