Noong 2018, isang lalaki ang nag-check in sa isang hotel sa New York para sa isang gabing pananatili. Ngunit dahil sa paggamit niya ng isang sa batas tungkol sa pag-upa, nanatili siya roon nang limang taon nang hindi na nagbabayad. Sa huli, ang kanyang pagtangging umalis ang naging dahilan upang maharap siya sa posibilidad ng pagkakakulong.
Gayon din naman, parang isang nangungupahang tumatangging umalis, ang impluwensya ng kasalanan kapag pinababayaan natin ito. Sinabi ni Santiago, “Labanan ninyo ang diyablo, at lalayo siya sa inyo” (Santiago 4:7). Ipinaliwanag niyang ang ugat ng marami nating pagkakasala ay ang maling pagnanasa at makasariling motibo ng ating puso (tal. 1, 3). Upang mapagtagumpayan ang mga tukso, dalawang malinaw na utos ang ibinigay ni Santiago, "Magpasakop kayo sa Dios" at "Labanan ninyo ang diyablo" (tal. 7). Ang pagpapasakop sa Dios ay nangangahulugang isinusuko natin sa Kanya ang bawat bahagi ng ating buhay. Nangangailangan ito nang patuloy na pananalangin, at pagsunod sa karunungang matatagpuan sa Salita ng Dios.
Kung paanong pinapaalis ng may-ari ng bahay ang isang taong walang karapatang manatili roon, maaari rin nating tanggihan ang kasalanan at ang impluwensya ng diyablo sa ating buhay. Magtiwala tayo sa Salita ng Dios na kapag nilabanan natin ang diyablo, lalayo siya sa atin (tal. 7).
Kapag pinalalayas natin ang kasalanan at lumalapit sa Dios (tal. 8), mas malayang naghahari sa ating puso ang Kanyang kapayapaan, kagalakan, at layunin. Walang puwang ang diyablo sa buhay na pinaghaharian ng Dios.
