Masakit magsalita ang CEO ng isang kumpanya. Dahil sa talas ng kanyang dila, walang sinuman ang naglalakas-loob na sumuway sa kanya. Lahat ay natatakot, kabilang si Gene. Pero minsan, pinahiya ng CEO ang isang bagong empleyada hanggang sa mapaiyak ito. Nang mapansin ni Gene na walang sinumang kumikibo, naglakas-loob siyang magsalita at sinabi ang maling pakikitungo ng CEO sa kanyang mga empleyado.
Sa Biblia naman, may isa ring taong naglakas-loob na manindigan kahit umatras ang iba. Isa siya sa mga matatapang na mandirigma ni Haring David. Siya si Samma. Dumating siya kay David noong panahong inuusig pa ito at maraming taong dumaranas ng paghihirap ang sumama sa kanya (tingnan ang 1 Samuel 22:1–2). Kumilos ang Dios sa buhay ni Samma upang talunin ang mga Filisteo. Isinalaysay sa 2 Samuel 23 na nagtipon ang mga Filisteo sa isang bukirin. Dahil sa takot, nagsitakas ang mga kawal ng mga Israelita (2 Samuel 23:11). Pero, hindi umatras si Samma. Mag-isa siyang tumayo sa gitna ng bukid at ipinagtanggol ito (tal. 12). Alam niyang maaaring ikamatay niya ang kanyang ginawa, ngunit hindi siya natinag.
Tinulungan ng Dios si Samma at nagtagumpay laban sa mga Filisteo (tal. 12). Bagama't siya lamang ang natitirang mandirigma, hindi naman siya nag-iisa. Kasama niya ang Dios, at Siya ang nagbigay ng katagumpayan.
May mga pagkakataong tatawagin din tayo ng Dios na manindigan, kahit iwasan iyon ng iba. Kapag dumating ang panahong iyon, tularan natin si Samma. Manindigan tayo nang may buong tapang at may pagtitiwala na sasamahan at tutulungan tayo ng Dios.
