Tungkol ang librong Hidden Figures sa mga paghahanda para sa pagtungo ni John Glenn sa kalawakan. Noong 1962, bagong imbensyon pa lamang ang mga computer at may posibilidad ng mga aberya. Kaya hindi lubos ang tiwala ni Glenn dito. Nag- aalala siya tungkol sa tamang kalkulasyon para sa paglulunsad. Ngunit may isang matalinong babae na kayang suriin ang mga numero. Pinagkakatiwalaan siya ni Glenn. “Kung sasabihin niyang tama ang mga numero,” ani Glenn, “lilipad na ako.”

Ang babaeng ito ay si Katherine Johnson–isang guro at ina. Mahal niya si Jesus at naglilingkod siya sa simbahan. Biniyayaan siya ng Dios ng pambihirang talino. Kaya noong huling bahagi ng 1950, kinuha siya ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) upang tumulong sa programa sa kalawakan.

Hindi man tayo tinawag upang maging magagaling na matematiko, tinatawag naman tayo ng Dios sa iba’t ibang bagay. Sinasabi sa Efeso 4:7, “Binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo.” Dapat tayong “mamuhay... nang karapat- dapat bilang mga tinawag ng Dios” (TAL. 1). Bahagi tayong lahat ng isang katawan, kung saan “bawat isa’y nagtutulungan” (TAL. 16).

Ang tamang kalkulasyon ni Katherine Johnson ang nagkumpirma ng tamang direksyon ng paglalakbay ni Glenn. Ngunit isa lamang ito sa mga tungkulin ni Katherine. Tinawag din siya bilang isang ina, guro, at lingkod sa simbahan. Maaari nating tanungin ang ating sarili: Saan ako tinatawag ng Dios—malaki man o maliit? Handa ba akong gamitin ang mga biyayang ibinigay Niya, at mamuhay ayon sa pagtawag Niya.