Sa nakalipas na isang siglo, 40% ang kagubatan sa bansang Ethiopia. Pero ngayon, 4% na lang ito. Maituturing itong krisis, na dulot ng pagwasak ng mga puno kapalit ng pagsasaka ng ekta-ektaryang lupa para sa pananim. Kung titingnan ang mga kuha mula sa ere, makikita ang tila mga luntiang isla na napalilibutan ng kayumangging buhangin. Upang hindi mawala ang mga natitirang kagubatan o oasis sa disyerto, pinangangalagaan ito ng mga lokal na simbahan ng Ethiopian Orthodox Tewahido. Para sa mga pinuno ng simbahan, bahagi ng kanilang pagsunod sa Dios bilang mga katiwala ng Kanyang nilikha ang pagbabantay sa mga puno.

Sa Biblia, namuhay ang bayan ng Israel sa disyertong tigang. Laging may banta ng matinding tagtuyot. Sumulat ang propetang si Isaias sa kanila upang ilarawan ang hinaharap na nilalayon ng Dios para sa kanila: “Ang disyerto ay matutuwa na parang tao. Mamumulaklak ang mga halaman dito” (ISAIAS 35:1). Nais ng Dios na pagalingin hindi lamang ang Kanyang mga tao, kundi pati na rin ang mundo. “Gagawa [Siya] ng bagong langit at bagong lupa” (65:17). At sa bagong mundo na Kanyang gagawin, “mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto” (35:2 ᴍʙʙ).

Pinangangalagaan ng Dios ang Kanyang nilikha. Kabilang dito hindi lamang ang kalikasan, kundi maging ang sangkatauhan. Nag- uudyok ito sa atin upang pangalagaan din natin ang mundo. Sa pangangalaga ng Kanyang nilikha, maaari tayong maging katuwang ng Dios sa Kanyang plano upang hilumin ang mundo. Samahan natin ang Dios sa Kanyang pagbibigay buhay sa lahat ng uri ng disyerto.