Inilunsad noon ng lungsod ng New York ang “Stay Safe. Stay Put” campaign (“Maging Ligtas. Maging Kalmado”). Layunin nitong turuan ang mga tao kung paano manatiling kalmado at ligtas kapag nakulong sa elevator. Ayon kasi sa ulat ng mga eksperto, may mga nangamatay dahil sinubukan nilang buksan ang pintuan ng elevator o pinilit na lumabas sa ibang mapanganib na paraan. Ang pinakamainam na gawin? Humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagpindot ng alarm button at hintayin ang pagdating ng saklolo.

Sa Biblia naman, ibang iba ang paraan ng pagsaklolo. Para ito sa mga nakakulong sa kasalanan. Isinulat ito ng Apostol na si Pablo nang ipaalala niya sa mga taga Efeso ang kanilang abang kalagayan sa espirituwal na aspeto: “patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan” (EFESO 2:1 ᴍʙʙ). Nakakulong sila sa kapangyarihan ni Satanas dahil “ayaw [nilang] sumunod sa Dios” (TAL. 2). Dahil dito, nararapat lamang na parusahan sila ng Dios. Ngunit hindi pa rin Niya sila iniwanang nakakulong sa espirituwal na kadiliman. Ayon din kay Pablo, “dahil sa biyaya ng Dios, naligtas” ang sinumang naniwala at sumampalataya kay Jesus (TAL. 5, 8). Kapag tumugon tayo sa pagliligtas ng Dios, nagbubunga ito ng pananampalataya. Ano ang kahulugan ng pananampalataya? Pagkilalang hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili, na nagdudulot upang tumawag tayo kay Jesus para sa Kanyang pagsaklolo.

Sa biyaya ng Dios, hindi nagmumula sa atin ang pagkaligtas natin sa bitag ng kasalanan. “Kaloob ito ng Dios” (TAL. 8) sa pamamagitan lamang ni Jesus.