Nakahiligan ng anak kong paglaruan ang kesong inihahanda ko sa pananghalian niya. Ginagawa niya itong maskara, pagkatapos sasabihing, “Nanay, tingnan mo,” habang nakadungaw sa dalawang butas ng keso ang mga luntian niyang matang nagniningning sa tuwa. Maihahalintulad ko sa kesong iyan ang pagsisikap ko bilang baguhang ina. Nag-uumapaw at tunay ang pag-ibig ko, pero hindi kumpleto. Butas-butas imbes na buo.

Hindi nga ba’t nais natin ng kabanalan? Nais nating mailaan ang buhay natin para sa Dios at mamuhay nang tulad ni Jesus. Pero sa bawat araw na lumilipas, tila mas lalong mahirap abutin ang pagkabuo. Laging butas-butas na lang ang ating kabanalan.

Makikita sa 2 Timoteo 1:6-7 na lumiham si Apostol Pablo kay Timoteo, na sinasanay niya bilang lingkod ni Jesus. Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na masigasig na isabuhay ang kabanalan. Nilinaw niyang “iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging Kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo” (TAL. 9). Maaari lamang ang buhay na ganyan dahil sa kagandahang-loob ng Dios. Ang tanong: tatanggapin ba natin ang Kanyang kagandahang-loob at mamumuhay sa pamamagitan ng kapangyarihang dulot nito?

Nais ng Dios na mabuhay tayo nang banal. Sa pagiging magulang man iyan o sa pag-aasawa, sa pagtatrabaho o sa pagiging mapagmahal na kapitbahay. At maaaring mangyari iyan. Pero hindi dahil sa pagsisikap nating maging perpekto, kundi sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Dios.