Makatang mula sa bansang Ireland si W. B. Yeats. Nais niyang mailibing sa ilalim ng Ben Bulben, isang bundok na patag ang tuktok. Naging pamagat iyan ng isa sa mga huli niyang tula (Under Ben Bulben). Nakaukit naman sa lapida niya ang huling linya ng tulang iyan: “Huwag iiwas ang iyong mata / Sa buhay, sa kamatayan. / Dumaan ka lang!”
Sagana sa haka-haka kung ano ang ibig sabihin niyan. Marahil pagkilala ito sa katotohanan ng buhay at kamatayan. Ano man ang pakahulugan ni Yeats, ang alam natin, natupad ang nais niyang himlayan at mensaheng iiwan sa lapida niya. Subalit may mapait na katotohanan: Patuloy na iinog ang mundo kahit wala na tayo. Hindi nito alintana ang ating pagyao.
May nakatala ring kuwento sa Biblia tungkol sa paghahanda ng himlayan. Nasa mahirap na yugto ng kasaysayan ang Juda, at naghanda na ang “katiwala ng palasyo” na si Shebna ng sarili niyang libingan para masigurong maaalala siya kahit wala na siya. Subalit pinagsabihan siya ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Sino ka ba para humukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito?” (ISAIAS 22:16). Dagdag pa nito, “Bibilugin ka Niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay” (TAL. 18).
Nagmintis sa pinahalagahan si Shebna. Hindi mahalaga kung saan tayo nakalibing, kundi kung sino ang pinaglingkuran natin. Ito ang hindi masukat na kaaliwan ng mga naglilingkod kay Jesus: “Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon” (PAHAYAG 14:13). May pakialam ang Dios sa ating paglisan sa mundo. Sa katunayan, may inihanda Siyang lugar para sa ating pag-uwi sa Kanyang piling.
