Malayo na ang narating ng neuroscience (ang sangay ng agham para sa pag-aaral ng utak ng tao) sa pag-intindi kung paano gumagana ang utak. Gayon pa man, inaamin pa rin ng mga siyentipiko na nasa maagang bahagi pa lang sila ng pag-unawa nito. Batid na nila ang istruktura ng utak, ilang aspeto ng kung paano ito gumagana, at kung anong bahagi nito ang tumutugon sa kung anong kapaligiran, nagpapagana at nagpapakilos ng mga bahagi ng katawan, at naglalaman ng damdamin. Subalit hindi pa rin nila batid kung paanong naaapektuhan ng lahat ng iyan ang asal, pang-unawa, at alaala ng tao. Mahiwaga pa rin talaga ang obrang likha ng Dios – ang tao.

Sa Biblia, kinilala rin ni Haring David ang kahanga-hangang katawan ng tao. Gamit ang matalinhagang pananalita, ipinag- diwang niya ang kapangyarihan ng Dios na nasasaksihan sa dakilang pagkilos Niya sa buong proseso ng paghugis ng tao sa sinapupunan ng isang ina (SALMO 139: 13). “Pinupuri ko Kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha N’yo sa akin...ang Inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga” (TAL. 14). Mahiwaga para sa mga sinaunang tao ang paglaki ng bata sa sinapupunan ng ina (MANGANGARAL 11:5). Kulang man ang kaalaman ni Haring David sa kahanga-hangang pagkakaugnay-ugnay ng mga bahagi ng katawan ng tao, namangha siya sa pagkilos at paggawa ng Dios (SALMO 139:17-18).

Nasasalamin sa kahanga-hangang pagkakalikha ng katawan ng tao ang kapangyarihan at pagiging higit sa lahat ng ating dakilang Dios. Pagpupuri, pagsamba, at pagkamangha sa Dios ang tanging tugon na nararapat sa Kanya!