“Mangmang pero magiliw na karaniwang tao.” Paglalarawan iyan ni Augustus Toplady kay James Morris. Isang manunulat si Toplady, na kilala sa kanyang
himnong “Rock of Ages” (“Batong Kanlungan Magpakailanman”). Gayunpaman, isang tulad ni Morris ang ginamit ng Dios upang magtiwala si Toplady sa Dios. Narinig ni Toplady na magturo si Morris, at naisip niya: “Hindi ko lubos maisip na mapapalapit ako sa Dios habang nasa pagtitipon ng iilang tagasunod Niya sa isang kamalig, na pinangungunahan ng isang taong ni hindi alam ang mga titik na bumubuo ng pangalan niya. Kahanga-hangang pagkilos ito ng Dios.”
Gumagawa nga ang Dios ng mga kahanga-hangang bagay sa mga lugar na hindi natin inaasahan, at sa pamamagitan ng mga karaniwang tao. Sa 1 Corinto 1, pinaalalahanan ni Apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Cristo: “Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan” (TAL. 26). Subalit sa biyaya ng Dios, kahit pangkaraniwan lang sila, “hindi [sila] kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal,” at naging kapaki-pakinabang sila (TAL. 7). Alam ng Dios ang tamang lugar at kalagayan ng bawat isa, lalo na ang mga mayayabang (TAL. 27-29). At Siya ang Dios na kumilos sa kanila at sa pamamagitan nila.
Ano ang tingin mo sa sarili mo? Payak, karaniwan, o mas mababa sa iba? Huwag kang mabahala. Sapat nang nasa iyo si Jesus at handa kang maging kapaki-pakinabang sa Kanya. Nawa ang panalangin mo ay, “O Dios, gamitin Mo ako!”
