Taun-taon, mahigit dalawang daang milyon mula sa iba’t ibang relihiyon ang naglalakbay sa mga itinuturing na banal na lugar. Kahit noon pa, malimit nang ginagawa iyan para makatanggap ng biyaya. Naglalakbay sila para marating ang templo, katedral, o dambana kung saan pinaniniwalaang matatanggap ang biyaya.

Subalit sa bansang Britanya, iba ang pananaw ng mga Celtic na nagtitiwala kay Jesus. Iniiwan nila ang kabihasnan kahit na wala silang siguradong patutunguhan. Hinahayaan nilang anurin ng dagat ang bangka nila sa kung saan man. Para sa kanila, tungkol sa pagtitiwala sa Dios ang totoong layon ng paglalakbay. Sa paglalakbay mismo natatamo ang biyaya, at hindi sa lugar na sinasabing kailangang marating.

Mahalaga sa mga Celtic ang Salita ng Dios sa Hebreo 11. Katulad kasi sa pag-iwan sa makamundong pamamaraan at paglalakbay bilang mga dayuhan patungo sa lugar ng Dios ang buhay ng mga na kay Cristo (TAL. 13-16). Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Dios habang tinatahak ang mahirap na daan o lugar na wala pang daan, umuusbong sa manlalakbay ang pananampalatayang isinabuhay ng mga itinuturing na mga bayani ng pananampalataya simula pa noon (TAL. 1-12).

Pisikal man o hindi ang paglalakbay natin, mahalagang matutunan ito: paglalakbay patungo sa “lungsod na nasa langit” ang buhay nating mga nagtitiwala kay Jesus. Maraming madilim na gubat, balakid, at pagsubok sa ating daan. Matanggap nawa natin ang biyaya ng pagkilos at pagsama ng Dios habang naglalakbay tayo.