Minsan, nagpamigay kami ng asawa ko ng mga Biblia sa mga kabataan. Sinabi naming nakapagpapabago ng buhay ang Biblia. Nang gabi ring iyon, nagsama-sama ang ilan sa kanila para basahin ang aklat ng Juan. Hindi nagtapos doon. Tuwing may pagkakataon, hinihikayat namin silang basahin ang Biblia. Matapos ang mahigit isang dekada, nakita namin muli ang isa sa kanila. Ginagamit pa rin daw niya ang Biblia na bigay namin. At naniniwala kami. Kitang-kita kasi ang patunay sa buhay niya.
Ginagabayan tayo ng Dios hindi lang para basahin, bigkasin, o kabisaduhin ang Biblia. Tinutulungan Niya rin tayo para “maging malinis ang [ating] buhay” at mamuhay “ayon sa” Kanyang Salita (SALMO 119:9). Habang lumalapit tayo sa Dios at sinusunod natin ang Salita Niya, lumalaya tayo mula sa kasalanan at nababago ang buhay natin (TAL. 10-11). Kaya naman araw-araw nating hilingin sa Dios na ituro Niya sa atin ang Kanyang mga tuntunin (TAL. 12-13).
Kapag totoong naunawaan natin kung gaano kahalagang mabuhay ayon sa kalooban ng Dios, talagang magagalak tayong sumunod sa Kanya “higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan” (TAL. 14-15). Mapapabulalas din tayo gaya ng sumulat ng awit, “Magagalak ako sa Inyong mga tuntunin, at ang Inyong mga salita’y hindi ko lilimutin” (TAL. 16). Sa tulong ng Banal na Espiritu, tanawin natin ang Biblia bilang regalo ng Dios. At sa tulong nito, mababago ang buhay natin.
