Nang manalo ang aktres na si Sally Field ng ikalawa niyang parangal sa Oscars noong 1985, ito ang sinabi niya: “Matagal ko nang gustong makamit ang respeto ninyo. Hindi ko iyon naramdaman noong una akong manalo. Pero ngayon, damang dama ko nang gusto ninyo ako.”
Gayundin ang naramdaman ng eunuko na taga Etiopia. Karamihan sa mga eunuko (mga nagtatrabaho para sa reyna) ang kinakapon o pinuputulan ng ari. Dahil dito at bilang Hentil, hindi siya maaaring pumasok sa templo (EFESO 2:11-12; DEUTERONOMIO 23:1). Kaya naman nais niyang mapabilang.
Binabasa ng eunuko ang aklat ni Isaias nang makita siya ni Felipe. Sinasabi doon na pagpapalain ng Dios “ang mga taong nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa [Niya]... Papayagan [Niya] silang makapasok sa [Kanyang] templo” (ISAIAS 56:4-5). Hindi ito mapaniwalaan ng eunuko. Pero ”ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus” (GAWA 8:35). Tugon naman ng eunuko, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” (TAL. 36)
Parang sinasabi niyang Talaga bang tanggap ako? Pwede akong pumasok sa templo? Tanda ang pagbautismo sa kanya ni Felipe na giniba na ni Jesus ang pader na naghihiwalay sa mga Hentil at Judio (EFESO 2:14). At “masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay” (TAL. 39). Sa wakas, naranasan na niyang mapabilang. Totoong niyayakap ni Jesus ang lahat ng tatalikod sa kasalanan at magtitiwala sa Kanya.
