Nanloob ang isang magnanakaw sa isang pagawaan ng cellphone. Tinakpan pa nga niya ng karton ang mukha niya para hindi siya makilala sa CCTV camera. Kaya lang, napatid ang magnanakaw at saglit na natanggal ang takip niya sa mukha. Nang makita ng may-ari ang kuha ng CCTV camera, tumawag agad siya sa pulis at nahuli ang magnanakaw. Totoong kahit itago natin ang kasalanan, mabubunyag din ito balang araw.

Likas sa ating mga tao na itago ang kasalanan natin. Pero mababasa natin sa aklat ng Mangangaral na dapat nating sundin ang mga utos ng Dios. Dahil lahat ng ginawa natin nang lihim ay mahahayag at hahatulan ng Dios (12:14). Sinabi pa ng mangangaral, “Matakot ka sa Dios at sundin mo ang Kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao” (TAL. 13). Kasama din sa paghuhukom pati ang mga kasalanang hindi sinasadya (LEVITICUS 4:13). Huhusgahan ng Dios ang lahat ng ginawa natin, mabuti man o masama. Pero mabiyaya ang Dios. Makasusumpong tayo ng kapatawaran sa kasalanan dahil sa pag-aalay ng buhay ni Jesus (EFESO 2:4-5).

Lagi nating isaisip ang mga utos ng Dios. Kapag ginawa natin ito, maghahari sa atin ang banal na takot sa Dios at makakapamuhay tayo nang tama. Ihingi rin natin ng kapatawaran sa Dios ang mga kasalanan natin upang maranasan natin ang Kanyang pag-ibig at awa.