Hindi ko pinlanong magtayo ng non-profit organization (organisasyong nakatuon sa pagtulong). Kaya marami akong naging tanong nang marinig ko ang pagtawag ng Dios. Paano ito matutustusan? Sino ang tutulong sa akin sa pagbuo nito? Nakita ko ang mga sagot hindi sa isang aklat patungkol sa negosyo, kundi sa Biblia.
Magandang basahin ng sinumang tinatawag ng Dios para magtayo ng isang organisasyon ang aklat ng Ezra. Pinapakita kasi dito kung paano binuong muli ng mga Hudyo ang Jerusalem matapos silang mapaalis sa kanilang bayan. Kasama dito kung paano sila nakalikom ng pondo (EZRA 1:4-11; 6:8-10). Nakalagay rin ang tungkulin ng mga volunteer at mga kontratista (1:5; 3:7). Ipinakita rin ang kahalagahan ng paghahanda (3:8). Kasama rin pati ang pagtutol ng ilan (KAB. 4). Pero may isang pinakatumatak sa akin. Isang buong taon bago sila nagsimula, inuna nilang itayo ang altar ng Dios (3:1-6). Sumamba sila “kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo” (TAL. 6). Inuna nilang sumamba.
Tinatawag ka ba ng Dios na magsimula ng isang charity, Bible study, pesonal na proyekto, o bagong tungkulin sa trabaho? Mahalaga ang prinsipyong nakasulat sa aklat ng Ezra. Huwag nating hayaang matuon ang atensyon natin sa mga dapat nating gawin. Bago natin gawin ang ipinapagawa ng Dios, unahin muna nating sambahin Siya.
