Nang mahuli ang kriminal, tinanong siya ng imbestigador bakit sinugod niya ang biktima kahit maraming nakakakita. Sagot ng kriminal, “Alam kong hindi naman sila makikialam. Ganun ang tao.” Tinatawag na guilty knowledge ang gawi ng tao na tinutukoy ng kriminal. Ito ang sadyang pagsasawalang bahala ng isang tao kahit alam niyang may krimeng nagaganap.
Heto naman ang bersyon ng guilty knowledge ng apostol na si Santiago: “Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya” (4:17).
Matapos nating tanggapin ang kaligtasang mula kay Jesus, nais ng Dios na magpalaganap tayo ng kabutihan sa mundo: “Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan Niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon pa’y itinalaga na ng Dios na gawin natin” (EFESO 2:10). Ngunit dapat na maunawaan nating hindi susi ng kaligtasan ang paggawa ng mabuti. Sa halip, bunga ito ng pagbabago ng Banal na Espiritu sa ating puso. Gayundin naman, binibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng mga kaloob upang maisakatuparan natin ang mga pagkakatawag sa atin ng Dios (1 CORINTO 12:1-11).
Bilang mga nilikha ng Dios, magpasakop tayo sa nais Niya. At sa tulong ng Banal na Espiritu, maging instrumento tayo ng kabutihan sa mundong itong lubos na nangangailangan sa Dios.
