Sa dati kong simbahan sa lugar ng Virginia, ginaganap namin ang pagbabautismo sa Rivanna River. Tuwing Linggo kami pumupunta roon, pagkatapos ng gawain. Malapit sa isang parke ang ilog, kaya marami kaming kasabay na ibang tao. Habang nagkakagulo sila sa paglalaro, lulusong naman kami sa ilog. Magbabasa naman ako ng Salita ng Dios at isa isa kong ilulublob sa tubig ang mga magpapabautismo. Pag-angat nila mula sa tubig, magpapalakpakan at magsisigawan naman ang iba sa amin. Sasalubungin pa nga sila ng yakap ng pamilya at kaibigan nila. Sa huli, basa kaming lahat. Pero masaya kaming kakain ng cake at meryenda na may kasamang mga palamig. Alam kong hindi naiintindihan ng mga kasabay namin ang ginagawa namin doon. Pero nakatitiyak akong alam nilang nagdiriwang kami.

Dahilan upang magdiwang ang pagbabalik-loob ninuman sa Dios. Iyan ang makikita natin sa kwento ni Jesus patungkol sa alibughang anak sa Lucas 15:11-32. Iniwan ng anak ang ama matapos niyang hingin ang kanyang mana. Nang bumalik ang anak matapos ang kanyang pagwawaldas, hindi nag-atubili ang ama. Binigyan niya ang kanyang anak ng pinakamagandang damit, singsing, at sandalyas. Dagdag pa ng ama: “At kumuha kayo ng batang baka na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo” (TAL. 23). Hindi simple, kundi magarbong pagdiriwang ang nakalaan sa lahat ng magbabalik sa Dios.