Mahigit 130 taon na mula nang itayo ang Eiffel Tower sa lungsod ng Paris. Itinuturing itong simbolo ng karilagan at kagandahan sa larangan ng arkitektura. Ipinagmamalaki rin ito ng Paris bilang isa sa mga nagbibigay ringal sa kanilang lungsod.
Pero marami ang pumuna habang itinatayo pa lang ito. Halimbawa na lang ang sikat na manunulat na si Guy De Maupassant. Para sa kanya, “katawa-tawa at mukhang tsimenea ang manipis nitong hugis.” Hindi niya ito nakakitaan ng ganda.
Ikumpara natin iyan kay Jesus. Ganito inilarawan ng propetang si Isaias si Jesus: “Wala Siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para Siya’y lapitan” (ISAIAS 53:2).
Pero para sa ating mga nagtitiwala sa Kanya, nakikita natin ang kagandahan ni Jesus. Ang ginawa Niyang pagliligtas sa atin ang pinakatunay at pinakadalisay na uri ng kagandahan. “Tiniis Niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sana’y tayo ang dumanas” (TAL. 4). Hindi lang iyon. “Sinugatan Siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog Siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis Niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat Niya ay gumaling tayo” (TAL. 5).
Wala na ngang mas gaganda pa sa Dios na nagdusa sa krus para sa atin. Inangkin Niya ang kaparusahang tayo dapat ang tumanggap. Iyan si Jesus. Puno Siya ng karikta. Ituon natin ang ating mga mata at ang ating buhay sa Kanya.