Mabigat ang damdaming nararanasan ni Michele. Nalaman kasi niya na malapit nang mamatay ang kanyang ama. Sinabi ng kanyang ama, “Anak, hindi na ako aabot upang ihatid ka sa altar sa araw ng iyong kasal.” Napaluha si Michelle. Pero, tiniyak niya sa kanyang ama ang kanyang pagmamahal at kumapit sa pag-asang ipinangako sa Hebreo 11. Naniniwala si Michele na kapag namatay ang kanyang ama, makakasama niya ang Dios magpakailanman. Habang iniisip niya ito, sinabi niya, “Napakaganda ng langit!”

Isinulat naman ang liham sa mga Hebreo para sa mga Israelitang sumasampalataya kay Jesus na dumaranas ng pagmamalupit mula sa pamahalaan at sa mga pinunong panrelihiyon. Sa gitna ng takot at kawalang-katiyakan, hinimok ng may-akda ang mga mananampalataya na manatiling matatag sa kanilang pananampalataya at panghawakan ang pangako ng Dios (Hebreo 12:1). Ang bawat isa sa kanila ay “hindi tumanggap ng mga ipinangako” habang nabubuhay sila (Hebreo 11:13). Namuhay sila sa pamamagitan ng pananampalataya, na may pananabik sa “mas mabuting bayan”—ang bayang nasa langit. Ikinalulugod ng Dios na tawagin Siyang kanilang Dios, at naghanda Siya ng isang lungsod para sa kanila (tal. 16).

Labis man na nalungkot si Michele nang pumanaw ang kanyang ama, pinili niyang panghawakan ang mga pangako ng Dios Amang nasa langit. Ganoon din naman tayo. Maaari nating tanggapin at panghawakan ang parehong mga pangakong ito kahit tila malayo pa ang katuparan ng mga ito (tal. 13), habang nagtitiwala tayo sa Dios.