Isang Uber drayber na nagngangalang Esbon Kamau ang nagsakay ng isang 16 taong gulang na binata upang bumili ng motorsiklo na regalo ng kanyang ama. Pagkatapos niya itong maihatid, napansin niyang may naiwan itong bag sa likod ng sasakyan. Nang tingnan niya ito, nakita niyang may lamang $8,000 dolyar. Ito ang perang gagamitin sa pagbili ng motorsiklo. Agad na nakipag-ugnayan si Kamau sa Uber upang mahanap ang binata. Hindi nagtagal, naibalik niya ang pera sa lubos na nagpapasalamat na binata. Sinabi ni Kamau, “Gawin ang tama sa tamang panahon, at huwag hayaang manaig ang pagiging makasarili.”
Naipakita ni Kamau ang pagkakaroon ng integridad. Tinanggihan niya ang tukso na angkinin ang perang hindi kanya o samantalahin ang pagkakamali ng iba. Sa halip, pinili niyang gawin ang tama.
Sinasabi naman sa Kawikaan sa Lumang Tipan ng Biblia, “Ang lumalakad nang may integridad ay namumuhay nang panatag” (10:9). Kapag namumuhay tayo nang may integridad, hindi natin kailangang mag-alala sa mga kasinungalingang dapat tandaan o sa mga lihim na maaaring mabunyag. Hindi rin tayo nabubuhay sa takot na masira ang ating pangalan. Sa halip, namumuhay tayo ayon sa katotohanan at sa karunungang mula sa Dios (tal. 13). Dahil sa Kanya, maaari tayong mamuhay nang may kapanatagan at kalayaan.
Marami tayong tuksong kakaharapin. Maaaring tukso na magsinungaling o manlamang, ngunit hinihikayat tayo ng Dios na lumakad kasama Niya. Habang sumusunod tayo sa Dios, matututo tayong mamuhay nang may integridad at walang kapintasan sa Kanyang harapan (tal. 29).
