Naghintay nang may kaba sina Kazuto at ang kanyang asawang si Migiwa para sa resulta ng ultrasound. Mahigit siyam na buwan nang humihina ang atay ni Migiwa, at kailangan niya ng agarang liver transplant. Handa si Kazuto na magbigay ng bahagi ng kanyang atay, ngunit may isang mahalagang kondisyon—kailangang sapat ang lakas ng puso ni Migiwa.
Umaasa rin silang mas maganda ang magiging resulta ng pagsusuri. Ngunit sa kanilang lungkot, ito na ang pinakamalalang resulta. Ikinuwento ni Kazuto, “Matapos kong aliwin ang umiiyak kong asawa, umiyak din ako nang mag-isa. Pero gaya ng isinulat ni Henri Nouwen, ang paghihintay ay hindi nasasayang na panahon. Habang naghihintay tayo, may magandang ginagawa ang Dios kahit hindi natin ito nakikita.”
Ang pagtitiwala ni Kazuto ay katulad ng kay Haring David na nagsabi, “Maghintay ka sa Panginoon; magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob; oo, maghintay ka sa Panginoon” (Salmo 27:14). Dahil ang Dios ang ating liwanag, kaligtasan, at kanlungan (tal. 1), maaari tayong magtiwala sa Kanya kahit sa gitna ng matitinding pagsubok.
Kapag tila naman naaantala ang sagot ng Dios sa ating mga panalangin, patuloy pa rin tayong magtiwala sa Kanyang hindi nagbabagong katangian. Habang inilalapit natin sa Kanya ang ating mga pasanin, paalalahanan din natin ang ating sarili: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob; maghintay ka sa Panginoon” (tal. 14). Kasama natin ang Dios at patuloy na gumagawa para sa ating ikabubuti.
