Bago naging tanyag ang mandirigmang si Genghis Khan na taga Mongolia pinatay niya ang sarili niyang kapatid sa ama upang mapalakas ang kanyang posisyon sa pamilya. Kalaunan, nagtayo siya ng isang napakalawak na imperyo na umabot mula sa baybayin ng Pasipiko sa Asya hanggang Silangang Europa. Dahil sa kanyang kalupitan, nag-iwan siya at ang kanyang hukbo ng kamatayan at pagkawasak saan man sila dumaan.

Sa panahon naman natin ngayon, humaharap tayo sa isang kaaway na higit na mapanganib kaysa sa anumang hukbo. Ito ang isang kaaway na nagnanais sirain ang ating kaluluwa. Nagbabala si Apostol Pedro: “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa” (1 Pedro 5:8). Ang kaaway na ito ay mapanganib tulad ng isang magiting na mandirigma na mahirap kung tayo lang mag-isa ang lalaban.

Gayon pa man, hindi tayo dapat matakot o mawalan ng pag-asa. Magtiwala tayo sa Panginoong Jesus. Sinabi ni Apostol Juan, “Ang nasa inyo ay mas dakila kaysa sa nasa sanlibutan” (1 Juan 4:4). Ang tinutukoy niya ay ang Banal na Espiritu na nananahan sa mga nagtitiwala kay Jesus. Dahil dito, hindi natin kailangang matakot sa kaaway ng ating kaluluwa.

Habang umaasa tayo sa Banal na Espiritu, nagkakaroon tayo ng katiyakan na iingatan tayo ng Dios laban sa mga pagsalakay ng kaaway. Ang ating Dios ay higit na makapangyarihan. Magtiwala tayo na Siya ay laging kasama natin sa lahat ng pagkakataon.