Sa lahat ng naging pangulo ng bansang Amerika, si Jimmy Carter ang may pinakamahabang pagsasama sa kanyang asawa. Pitumpu't pitong taon silang nagsama ni Rosalyn. Nang tanungin siya tungkol sa sikreto ng kanilang matatag at masayang buhay bilang mag-asawa, simple ang kanyang sagot: “Piliin mo ang tamang taong pakakasalan.” Bukod dito, binanggit din niya na mahalagang ang pakikipagkasundo, may maayos na komunikasyon, at may matatag na pananampalataya.
Makikita naman ang kahalagahan ng pakikipagkasundo sa bilin ni Apostol Pablo na huwag hahayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo sa isa’t isa (Efeso 4:26). Isinabuhay ito ng mag-asawang Carter. Minsan ay sinabi ni Jimmy, “Bawat gabi, sinisikap naming magkaayos bago matapos ang araw, anuman ang naging pagtatalo namin.” Makikita rin sa Efeso 4 ang huwaran ng pakikipag-usap na kinalulugdan ni Cristo. Sinabi ni Pablo, “Maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. Magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo” (tal. 32 asnd).
Itinatag ng Dios ang pag-aasawa bilang isang mabuting kaloob (Genesis 2:24; Hebreo 13:4). Sinasabi rin sa Kawikaan 18:22, “Kung nakapag-asawa ka, nakatanggap ka ng kabutihan, at ito ang nagpapakita na mabuti ang Panginoon sa iyo” (asnd). Ngunit hindi lamang sa pag-aasawa mahalagang isabuhay ang mga katangiang ito. May asawa man tayo o wala, maipadarama natin sa iba ang pagmamahal at pagpapatawad ni Cristo sa pamamagitan ng ating mga sinasabi at mga ginagawa.
