Hindi makapaniwala si Elizabeth Fry nang makita niya ang kalagayan ng isang kulungan para sa mga kababaihan sa London. Siksikan sila at ang mga anak nila, kaya marami ang natutulog sa malamig na sahig nang walang kama o kumot. Pero may alak. Paulit-ulit na bumisita si Elizabeth sa kulungan para magdala ng mga damit, magbukas ng eskwelahan, at magturo ng Biblia. Pero para sa marami, mas mahalaga kaysa sa mga ito ang simpleng pagbisita niya at ang mensahe ng pag-asang dala niya.
Isang uri ng pagsunod sa Dios ang ginawang paglilingkod ni Elizabeth sa mga nangangailangan. Nang magturo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, nagbahagi Siya ng iba’t ibang mga kwento (MATEO 25:46). Isa na rito ang tungkol sa hari na nagsabing pinainom, pinatuloy, at binisita siya sa kulungan ng mga tao. Pero hindi maalala ng mga tao na ginawa nila ang mga ito. Sagot ng hari, “nang ginawa n’yo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin n’yo itong ginawa sa akin” (TAL. 40).
Nakatutuwang isiping kapag naglilingkod tayo sa kapwa natin sa tulong ng Banal na Espiritu, naglilingkod din tayo kay Jesus. Pwede tayong lumabas at gayahin si Elizabeth. Pero pwede rin tayong maglingkod kahit nasa bahay lang. Pagtulong rin ang pananalangin o pagpapadala ng mga mensaheng puno ng pag-asa. Mahalin at paglingkuran natin si Jesus sa pamamagitan ng pagtulong sa ating kapwa.
