Isang bagong kaibigan ang nagbahagi kay Pastor Bailey ng mga karanasan niya. Naging biktima siya ng pang-aabuso at maagang nabantad sa pornograpiya. Kaya kahit nakakilala na ang binata kay Jesus, hindi siya makawala sa adiksyon. Alam niyang hindi niya ito kayang pagtagumpayan mag-isa, kaya lumapit siya kay Pastor Bailey at humingi ng tulong.
Bilang mga tagasunod ni Cristo, nakikipaglaban tayo sa kasamaan (2 CORINTO 10:3-5). At para makipaglaban, mayroon tayong mga sandata. Pero hindi tulad ng sandata ng mundo ang meron tayo, kundi ang “kapangyarihan ng Dios na nakakapagpabagsak ng mga kuta” (TAL. 4 ᴍʙʙ). Matitibay na moog ang mga “kuta.” Pero kaya nating mapabagsak ang anumang kuta dahil “ang pagiging matuwid ang siya [nating] sandatang panlaban at panangga” (6:7 ᴍʙʙ). May iba pa tayong mga sandata ayon sa Efeso 6:13- 18. Nariyan ang Salita ng Dios, pananampalataya, kaligtasan, panalangin, at pagtulong ng ibang tagasunod ni Jesus. Mahalagang gamitin natin ang mga ito para mapagtagumpayan natin ang mga labang espirituwal, lalo na ang mga mabibigat at matitinding laban.
May mga pagkakataon din namang gumagamit ang Dios ng mga propesyonal gaya ng mga counselor o psychologist. Anumang paraan ang gamitin ng Dios, mahalagang malaman na hindi tayo kailangang sumuko. Nariyan si Jesus at ang mga sandatang galing sa Kanya.
